VERDANTIA SERIES
“SEKRETO NG KAHARIAN SA HILAGA”
Written by: Cxhase02
•••
KABANATA 2
SANTO NG KAHARIANG URA
•••
'Santo? Ako?’
Kahit na maraming tanong ang pumapasok sa isipan ni Lukas ay mas pinili niyang tumahimik.
‘Hindi naman siguro nila ako sasaktan noh? Dahil kung yun man ang pakay nila, pwede na nilang gawin iyon kanina pa nung napapaligiran nila ako.’ Pagpapatatag niya sa kanyang sarili.
Habang nilalakasan niya ang kanyang loob, hindi maiwasan ni Lukas na manginig dahil sa lamig ng paligid.
‘Ba’t kasi hubo’t hubad akong napadpad rito?’ Medyo naasar niyang reklamo sa kanyang isipan.
‘Mabuti nalang at mainit ang katawan nitong ni Grandmaster… What if?’ Namumuong ideya sa kanyang isipan.
Para magawa iyon, nakiramdam muna si Lukas sa barakong kasalukuyang kumakarga sa kanya.
Nang pagmasdan niya ang mukha nito ay nakita niyang diretso lamang ang tingin nito habang naglalakad sila papalayo sa kung saan siya unang nakaupo.
‘Sana wag mapansin…’ Munting hiling niya sa kanyang isipan.
Pasimple siyang umusog padikit sa makisig na katawan ng Grandmaster at nagtagumay naman siya nang mas maramdaman niya ang paglapat ng kanyang nanginginig na katawan sa mainit nitong balat.
‘Yan!’ Nagbubunyi niyang ani sa kanyang isipan.
Hindi niya maintindihang, pero tila ba isang heat pack ang katawan ng Grandmaster dahil sa init na binubuga nito.
Akala ni Lukas ay okay na ang lahat, ngunit sa kasawiang palad ay bigla itong tumigil sa paglalakad saka tinignan siya gamit ang matulis na mga mata nito.
Agad na umakto si Lukas na tila wala siyang ginawa at minabuting tabunan gamit ang kanyang dalawang palad ang nakabuyang-yang niyang kaselanan.
‘Jusko, nakakahiya.’ Hindi niya alam kung bakit sumasambit siya sa pangalan ng Maykapal pero yun lang talaga ang pumasok sa isip niya sa tagpong iyon.
Napakagat na lamang siya ng kanyang pang-ilalim na labi nang marinig niyang sinenyasan ng Grandmaster ang isang lalaki na nakasunod sa kanila.
“Bigyan mo ako ng isang makapal na coat.” Utos nito.
Ilang sandali ang lumipas, merong makapal na tela na yari sa balat at balahibo ng hayop ang tumabon sa buong katawan niya.
“Hawakan mo ng mabuti para hindi mahulog.”
Nang tumingala si Lukas ay natagpuan niya ang mga mata ng Grandmaster na tahimik na nakatitig sa kanya. Tila ba hinihintay nito na kapitan niya ang coat na ibinigay nito.
“Maraming salamat po.”
Hindi niya maipigilan na maguhitan ng ngiti ang kanyang mukha habang kinukuha niya mula rito ang tela.
‘Sa wakas.’ Nakakahingang maluwag na sambit ni Lukas sa kanyang isipan habang dinadama ang init at proteksyon na dulot ng coat.
Dalawang bagay ang nagpasaya sa kanya sa tagpong iyon. Una, hindi na siya giniginaw. Pangalawa, hindi na siya hubo’t hubad.
“Walang anuman.” Rinig niyang tugon nito.
Hindi na sila nagtagal ng Grandmaster sa loob ng kwarto at naglakad nang muli papalabas.
Nang madaanan na nila ang pinto ay namangha si Lukas sa tanawing kanyang nakita.
‘Wow, winter pala rito.’ Namamanghang wika ni Lukas sa kanyang isipan.
Kahit saan niya ibaling ang kanyang paningin ay nakikita niyang may manipis na nyebeng bumabalot sa mga bagay-bagay. Ang daan, ang bubong ng mga gusali, mga kahoy, at iba pang makikita sa labas.
Kapansin-pansin rin ang mga maliliit na parang bola ng koton na yari sa nyebe na sumasama sa malamig na hangin na umiihip.
‘Kaya pala ang lamig ng hangin.’ Naliliwanagan niyang ani sa kanyang isipan.
Ito ang unang beses na nakakita at naka-experience siya ng snow, kaya naman hindi niya mapigilang matuwa sa senaryong nakikita.
Mas lalo pang natuwa si Lukas nang tuluyan na nga silang lumabas ng portiko ng gusali na kinaroroonan niya kanina at naglakad sa daan.
‘Wow.’ Nalilibang niyang sambit nang maramdaman niya ang pagdampi ng snow sa kanyang mukha.
Gusto niya sanang sumalo ng nyebe gamit ang kamay, ngunit hindi niya magawa dahil hindi bakante ang mga iyon dahil nakahawak siya sa coat na tumatabon sa kanya.
‘Di bale, next time nalang.’ Pursigido niyang ani sa kanyang isipan.
Habang naglalakad sila, napapansin ni Lukas ang iilang mga lalaki na naglalakad o may kung anong ginagawa sa labas.
Kahit na ang lamig ng panahon, para bang wala lang sa kanila at nakuha pa ng iba na hindi magdamit pang-itaas, lalo na yung dalawa sa gilid na nagsisibak ng kahoy.
‘Hindi ba sila nalalamigan?’ Mausisa niyang tanong sa kanyang isipan.
Nagtagpo ang mga mata nila nung isang barako na may kausap at nakita niya sa mga mata nito ang gulat nang nakita siya nito.
Napakunot na lamang ang noo ni Lukas nang makita niya itong sumenyas sa isa pa nitong kausap at ginamit nito ang ulo para ituro siya sa.
Hindi niya maaninag kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa ngunit isang segundo lang ay mabilis na iniwaklis ng mga ito ang tingin nila sa kanya at umaktong walang nangyari. Tila ba natakot ang mga ito sa nakita.
Agad na ibinaling ni Lukas ang kanyang tingin sa Grandmaster at nakita niya itong diretsong nakatingin sa daanan.
‘Anyare sa dalawang yun?’
Muli niyang pinagmasdan ang kanilang paligid habang naglalakad. Ilang sandali, nakakita siya ng isang barakong naglalakad habang pasan nito ang napakaraming panggatong.
Napanganga na lamang siya sa pagkamangha at pagkalito dahil kahit na ang lamig-lamig ng panahon ay nakuha pa nito na hindi magsuot ng pang-itaas na pinaresan ng maikling shorts na yari sa balat at balahibo ng hayop.
‘Ano ba kayo rito? Mga oven?’
“Natural lang na hindi kami madaling ginawin dahil sa aura namin.”
Agad na napatingala si Lukas sa Grandmaster nang marinig niya itong magsalita. Nakatingin din ito sa lalaking tinitignan niya kanina, ngunit alam niyang sa kanya nakadirekta ang sinabi nito.
“Aura?” Napapakiling na ulong tanong niya.
Natigilan ni Lukas nang ibaba ng Grandmaster ang tingin nito at nagtagpo ang kanilang mga mata.
Hindi niya alam kung nakikita ba ng lalaki ang reaksyon niya pero ramdam niya ang pag-init ng kanyang mukha nang masilayan niya kung gaano ka gwapo ang barakong kasalukuyang kumakarga sa kanya.
Mas naaninag niya ngayon ang facial features nito dahil maliwanag ang paligid.
Parisukat ang hugis ng mukha nito kaya prominente ang panga nito na binagayan rin ng estilo ng buhok na classic crew cut. Makakapal ang mga kilay nito na pinaresan ng mapupungay na mga mata. Maganda ang hugis ng ilong at makapal ang labi na merong kakaunting balbas.
‘Ang gwapo pala ng Grandmaster.’ Hindi mapigilang puri ni Lukas sa kanyang isipan.
Mas napigti pa ang kanyang paghinga nang binigyan siya nito ng isang ngiti bago ito muling nagsalita.
“Wag kang mag-alala, magiging malinaw rin sayo ang lahat.” Kalmadong paninigurado nito sa kanya.
Hindi niya maiwasang mapangiti rin sa barakong kausap saka siya tumugon rito. “Sige po.”
Matapos ang ilang sandali ng paglalakad ay tumigil sila sa harapan ng isang gusali.
“Iwan niyo na kami.” Utos ng Grandmaster sa dalawang lalaki na nakasunod sa kanila.
“Masusunod, Grandmaster.” Sabay na tugon ng dalawang lalaki at umakto ayon sa sinabi ng lalaking kumakarga sa kanya.
Matapos ang ilang sandali, nakalayo na ang dalawang lalaki mula sa kanila. Walang pasabing binuksan ng Grandmaster ang pinto na nasa harapan nila at dinala siya sa loob.
Nang maisarado na nito ang pinto ay agad na nawala ang lamig na nararamdaman ni Lukas.
‘Finally.’
Nanatiling nakatayo ang Grandmaster habang karga siya nito at namayani ng ilang segundo ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
Ngunit hindi iyon nagtagal dahil ilang saglit lang ay nagsalita ito.
“Makakatayo ka ba?” Masuring tanong nito sa kanya.
Nakatingin lang ito sa kanya habang naghihintay ito sa sagot niya.
“O-opo sir.” Nauutal na tugon ni Lukas rito.
‘Hinay-hinay lang sa titig, Sir.’ Ani niya sa kanyang isipan habang tinititigan ang mapupungay na mga mata ng Grandmaster.
“Ibababa na kita.” Ani nito.
Agad na inihanda ni Lukas ang kanyang sarili at hinayaang maniobrahin siya nito.
Maingat siya nitong binaba at nang maidampi na niya ang kanyang paa sa mainit sa sahig ay inalalayan na muna siya nito. Saka lang siya binitawan nito nang makatayo siya ng maayos.
“Maraming salamat po, Sir.” Ani ni Lukas habang nakakapit siya sa malapad na balikat ng Grandmaster.
Kahit na matapang at malakas ang dating nito ay hindi naiintimida si Lukas rito. Siguro dala ng pagiging gentleman nito at hindi pagpapakita ng dahas sa bawat pakikitungo nito sa kanya kaya panatag ang kanyang loob rito.
Ngumiti lamang ito sa kanya bilang tugon saka ito tumayo ng mabuti.
Nagulat si Lukas nang makita niya ang napakatikas na pigura ng Grandmaster na ngayon ay nakatayo sa tabi niya.
‘Ang tangkad. Napakatangkad.’ Hindi makapaniwalang sambit ni Lukas sa kanyang isipan habang nakatingala siya sa barakong katabi.
Kahit na matanggkad na siya sa kanyang tingin sa sarili ay hindi parin siya lumalagpas sa balikat nito. Lagpas 6 feet ata ang angking katangkaran nito.
Hindi lamang ito matanggkad, binagayan rin nito ng malaking pangangatawan ang sarili kaya naman tila ba nagmistula siyang patpating bata kung itatabi rito.
“Halika, sasamahan kita sa banyo para makapaglinis ka ng katawan.”
Agad bumalik ang wisyo ni Lukas nang marinig niya ang boses nito kaya agad niyang ibinaling ang kanyang tingin sa ibang direksyon.
Hindi na siya nakatugon pa nang magsimula nang maglakad ang Grandmaster papunta sa isang direksyon kaya agad siyang sumunod siya sa mga hakbang nito.
ILANG sandali ang lumipas ay malalaking paghinga siyang naglalakad dahil sa pagmamadali. Hindi niya kasi maabutan ang kanyang sinusundan sa laki at bilis ng bawat paghakbang nito.
‘Bakit tila humina ako?’ Naguguluhang tanong ni Lukas sa kanyang isipan habang pinipilit ang sarili na mas pabilisin at palakihin pa ang kanyang hakbang para makalapit siya sa Grandmaster.
Sa kabutihang palad ay lumingon ito pabalik sa kanya at natigilan nang makita nito ang destansya niya mula rito na hindi bababa ng limang metro.
Hindi maaninag ni Lukas kung ano ang ekspresyon sa mukha ng Grandmaster habang naglalakad siya patungo rito, pero isa lang ang alam niya. Hindi ito masaya sa nangyari.
“Pasensya ka na.” Agad nitong paghingi ng paumanhin sa kanya nang makaabot na siya sa tabi nito.
Bumawi muna siya ng hininga at siniguradong makakapagsalita siya ng maayos bago niya ibinuka ang kanyang bibig.
“Okay lang po, Sir.”
Tumango ito sa kanya bilang pagkilala nito sa tugon niya sa muling nagsimulang maglakad.
Hindi kagaya ng kanina, ngayon ay mababagal at maiksi na ang mga hakbang nito kaya nakakasunod na siya rito.
Matapos ang ilang sandaling paglalakad ay tumigil ito sa harapan ng isang pinto.
Walang pasabing binuksan iyon ng Grandmaster at binungad si Lukas ng isang maespasyong banyo na may iilang mga kagamitan na hindi pa nagagamit ni Lukas sa tanang buhay niya.
Merong iyong cabinet na yari sa kahoy na may salamin sa itaas, meron ring shower at bathtub.
“Pasok ka.” Paanyaya sa kanya ng Grandmaster saka ito naunang pumasok at dumiretso sa bathtub at binuksan ang faucet sa tabi nito.
Humakbang rin siya papasok sa banyo at naghintay lang siya sa kanyang kinatatayuan habang pinagmamasdan niya ang Grandmaster na pinatay ang gripo matapos nitong mapuno ang bathtub ng tubig.
‘Ha?’ Naguguluhang ani niya sa kanyang isipan nang makita niyang itubog ng Grandmaster ang kamay nito sa tubig.
Ilang sandali, merong kulay pula na ilaw na nagliyab sa tubig na nasa bathtub na nagtagal ng ilang segundo bago mawala.
Pagkawala ng pulang liwanag ay ang kaninang malamig na tubig ngayon ay umuusok na.
‘Magic?’ Hindi makapaniwalang tanong ni Lukas sa kanyang isipan.
Tumayo at humarap ang Grandmaster sa kanya saka ito muling nagsalita.
“Handa ang tubig.” Kaswal na wika nito na tila ba walang nangyari.
“Sa-salamat po.” Nauutal na ani ni Lukas.
“Iwan na muna kita para makapaligo ka na.” Ani nito saka naglakad palabas ng banyo.
“Maraming salamat po, Sir.” Muling pasasalamat ni Lukas rito.
Nang marating na nito ang bukana ng banyo ay tumango lamang ang Grandmaster bilang tugon sa kanya saka nito isinarado ang pinto.
Naiwan si Lukas mag-isa sa banyo habang nakatapis ang buong katawan ng makapal na coat.
‘Bakit parang wala lang rito ang nangyari kanina?’ Muling tanong niya sa kanyang isipan habang nakatitig sa nakasaradong pinto.
Pero kahit anong isip niya ay wala parin siyang maisasagot sa sarili dahil andami niya ring mga tanong na hindi pa niya naitatanong rito.
‘Bahala na nga.’
Huminga muna siya ng malalim saka niya binitawan ang coat na suot at tinupi iyon saka ipinatong sa ibabaw ng kabinet na nasa gilid niya.
“Makaligo na nga.” Ani niya sa sarili saka ibinabad ang katawan sa maligamgam na tubig ng bathtub.
--
“Bale ini-summon ako ng mga taga rito at naging santo ako sa pagdating ko.” Wika ni Lukas habang sinusubukan niyang alamin at intindihin ang kasalukuyang nangyayari sa kanya.
“Ano ba ang isang santo at bakit kailangan nila ako?” Tanong niya sa hangin.
Tok tok
Agad siyang natigilan sa pagsasabon at pagsasalita nang makarinig siya ng katok mula sa labas.
“Ako ito. May dala akong damit na pwede mong masuot, maari ba akong pumasok?” Rinig niyang sabi ng Grandmaster mula sa labas ng banyo.
“O-opo, Sir.” Tugon niya rito.
Mabilis na niyakap ni Lukas ang kanyang sarili nang bumukas ang pinto.
Agad na nagtagpo ang mga mata nila ng Grandmaster ngunit agad na iwinaksi ni Lukas ang tingin niya rito at ibinaling iyon sa paahan nito.
Narinig niyang tumikhim muna ang Grandmaster bago ito nagsalita.
“Ilalagay ko rito sa ibabaw ng kabinet itong damit. Iyan na yung pinakamaliit na nakita ko, ipagpaumanhin mo kung hindi perpektong kasya sa iyo.” Seryosong ani nito.
“Wag niyo na po iyon alalahanin, Sir. Ang importante po meron akong maisusuot, maraming salamat po.”
Hindi na ito nagsalita pa at pumasok sa banyo.
Sinundan lang ng tingin ni Lukas ang malalaking mga paa ng Grandmaster habang naglalakad ito patungo sa kabinet at inilagay roon ang damit na dala.
“Maiwan na kita ulit.” Pagpapaalam nito bago muling lumabas ng banyo.
Nang muling maiwan si Lukas mag-isa ay nakita niyang kinuha na ng Grandmaster ang coat na sinuot niya kanina at pinalitan iyon ng tatlong tela na pinagpatong-patong.
Hindi niya napigilan ang sarili na tignan ang pinto kung saan lumabas ang lalaki nang may napansin siya roon.
‘Walang lock?’ Gulat niyang reyalisasyon nang makita na door handle lang ang meron at wala itong kahit anong anyo ng door knob.
Napaisip si Lukas sa kung bakit kailangan pa kumatok at magpaalam ang Grandmaster na papasok ito kahit alam na nitong hindi lock yung pinto.
“Ang bait naman ata niya para isipin ako…” Napapangiting ani niya sa kanyang sarili.
--
“Ayan, okay na.” Nakangiting sambit ni Lukas nang magawa niyang maisuot ang damit na ibinigay ng Grandmaster sa kanya.
Mabuti na lang at may sinturon itong isinama kaya napagkasya parin niya sa kanyang bewang ang medyo malaking pang-ibaba. Saka ini-insert nalang rin niya yung pang-itaas para hindi maging saya niya.
Hindi na siya nagtagal pa roon at lumabas na ng banyo.
Agad na natigilan si Lukas nang makita niya ang malaking bulto ng katawan ng Grandmaster na nakasandal sa pader malapit sa kinaroroonan niya. Tila ba hinihintay siya nito.
Magsasalita sana si Lukas pero inunahan na siya nito.
“Wag kang mag-alala. Wala akong masamang balak at hinihintay kita dahil isa kang importanteng tao na kailangang mabantayan.” Ani nito saka tumayo ng tuwid.
‘Hindi naman sa ganun…’
Medyo natigilan si Lukas dahil hindi niya nagawang maisip na may masamang balak ang Grandmaster sa kanya mula pa kanina.
Pero wala siya sa posisyon para sabihin iyon kaya ngumiti na lamang siya rito bilang tugon.
“Sumunod ka sa akin.” Simpleng ani nito saka nagsimulang maglakad.
Tulad ng kanina, sumunod si Lukas rito at hindi narin siya nahirapang tumugma sa lakad nito dahil iniakma na nito ang bawat hakbang nito sa kanya.
ILANG sandali ang lumipas, narating nila ang isang kwarto na may malaking lamesa sa gitna. Sa ibabaw nun ay nakita ni Lukas ang umuusok na pagkain na nakalatag.
Mabilis na natigilan si Lukas nang malanghap niya ang mabangong amoy na galing sa pagkaing nasa lamesa.
‘Hmmm…’ Napapalunok niyang ani sa kanyang isipan.
“Pasensya na kung hindi engrande, ito lang kasi yung nakayanan kong ihanda. Wag kang mag-alala, kapag bumuti na ang kalagayan ng kaharian may mas hihigit pa rito.” Paghingi nito ng paumanhin sa kanya.
“No, Sir. Okay na po ako sa ganito. Hindi niyo na kailangang lubusan ito.” Agad na kontra ni Lukas rito.
GROWL
Tila ba sumang-ayon rin ang kanyang tiyan sa kanyang sinabi at walang pasabi itong tumunog.
Agad na naramdaman ni Lukas ang pag-init ng kanyang buong mukha sa nangyaring iyon at mabilis niyang tinakpan ang kanyang tiyan gamit ang dalawang kamay.
“Ah eh, hindi ko po sinasadya. Sorry.” Nahihiya niyang wika habang pinapanatiling nakatingin sa sahig.
‘Nakakahiya ka Lukas.’
Nakarinig na lamang siya ng mahina ngunit malalim na hagikhik galing sa lalaking kasama niya bago ito muling nagsalita.
“Halika na at umupo sa silya para malagyan na ng pagkain ang iyong sikmura.” Paanyaya nito sa kanya.
Mabilis pa sa alas singko na lumapit si Lukas sa upuang nasa harapan ng Grandmaster at pumwesto roon. Akala niya ay lalayo na ito, ngunit akala niya lang iyon dahil inatras ng bahagya ng Grandmaster ang upuan niya at hinintay siya nitong maupo.
‘Ano ba sir…’
Nang makapwesto na siya ng maayos ay saka pa lamang ito lumayo at pumunta sa kabilang dako ng lamesa at umupo sa upuang kaharap niya.
“Kain na tayo.” Paanyaya nito sa kanya.
“Salamat sa pagkain.” Bulong ni Lukas sa kanyang sarili saka siya nagsimulang sumandok ng pagkain mula sa isang bowl.
Lugaw, bread, at karne ang nakahandang pagkain sa kanyang harapan. Sa katunayan, labis na iyon para sa kanya dahil puro lang siya fast food nung hindi pa siya napdpad rito.
Habang kumakain ay makailang beses rin niyang sinilip ang dako ng kasama niya at nakita niyang tahimik itong sumusubo ng pagkain.
Agad niya rin namang binawi ang kanyang tingin kung mapapansin niyang titingin na ito sa kanya.
‘Umm…’ Nag-iisip na turan ni Lukas sa kanyang isipan.
Maraming siyang tanong sa Grandmaster, pero hindi niya alam kung pwede ba siyang magsalita, lalong lalo na dahil pinahiya niya ang kanyang sarili kanina.
“Paumanhin, maari ko bang malaman ang pangalan mo?” Pambabasag ng Grandmaster sa nakakabinging katahimikang lumulukob sa kanila.
“Lukas Flores po, Sir.” Agad niyang tugon rito.
Nakita naman ni Lukas ang pagkiling ng ulo ng Grandmaster nang marinig nito ang sagot niya.
“Flores… Parte ka ba ng isang maharlikang pamilya?” Muling tanong nito.
‘Maharlika? Noble family?’ Naguguluhang tanong ni Lukas sa kanyang isipan.
“Umm… Hindi naman po, Sir.” Nag-aalangang sagot niya rito.
“Pwede ko po matanong kung anong meron kapag merong apilyedo?” Nag-aalangang tanong ni Lukas rito.
“Dito kasi sa amin, magkakaroon ka lang ng apilyedo kung parte ka ng isang maharlikang pamilya. Yung mga taong walang dugong Maharlika ay tanging unang pangalan lang ang meron.” Pagbibigay linaw nito sa kanya.
Napatango naman si Lukas sa sagot ng Grandmaster.
“Umm… Kayo po, Sir. Ano po yung pangalan mo?” Tanong niya pabalik rito.
“Ako si George.” Payak nitong sagot.
‘George? Ibig sabihin nun…’
“Galing ako sa pamilyang dukha kaya wala akong apelyido.” Pagkokompira nito sa kanyang iniisip.
‘Pero ginagalang siya ng ibang mga lalaki kanina at Grandmaster rin ito.’ Wika niya sa kanyang isipan.
Tila ba nababasa ni George ang kanyang iniisip at muli na naman itong nagsalita.
“Hindi hadlang sa amin kung saang pamilya kami nanggaling para makaayat kami sa posisyon. Dahil talento, abilidad, at kakahayan ang pinagbabasehan nun. Kahit ano pa man ang estado namin sa buhay, pare-pareho lang kaming may dugong mandirigma at nakakagamit ng aura.” Ani nito.
‘Aura. Dugong mandirigma.’ Pagbibigay importansya ni Lukas sa dalawang terminolohiyang narinig mula sa sinabi nito.
“Ilang taon ka na Lukas?” Sunod na tanong sa kanya ni George.
“23 na po ngayong taon, Sir George.” Sagot niya naman rito.
Nakita niya naman tumango ito sa kanyang sagot habang pinagmamasdan siya nito.
“Kayo po, ilang na to kayo?” Tanong niya pabalik rito.
“53 na ako sa ngayong taon.”
Halos mabilaukan si Lukas sa kakasubo niya lang na pagkain nang marinig ang sagot nito.
’53!!’
*Ubo *Ubo *Ubo
Mabilis niyang kinapa ang baso na may lamang tubig sa kanyang tabi at tinungga iyon para mawala ang pagkakaubo niya.
“Maayos ka lang ba, Lukas?” Alerto at nag-aalalang tanong ni George na ngayon ay nakatayo na malapit sa kanya habang may dala itong baso.
Tumikhim na muna si Lukas para masigurado ang kalagayan niya bago siya tumugon rito.
“Okay na po ako, Sir George.” Pampagaan niya ng loob nito.
“Mabuti naman kung ganun.” Ani nito saka muling bumalik sa upuan nito.
“Parang nagulat ka ata ng husto nung sinabi ko yung edad ko.” Sabi nito nang muling makaupo.
Huminga muna si Lukas ng malalim bago siya nagsalita.
‘Okay, kalma lang self.’
“Pasensya na sa reaksyon ko, Sir. Hindi ko po kasi aakalain na ganun po yung edad niyo.” Kompisal ni Lukas rito.
Dahil kung titignan niya ang kaharap ay wala talagang bakas ng pagiging 53 nito.
Malaki ang katawan, buo at matitigas yung masel, napakatuwid ng tindig nito, maitim at makintab ang buhok, at ni isang linya ng kulubot sa balat ay wala ito.
‘Parang nasa early 30s ka pa, Sir.’ Hindi makapaniwalang anas niya sa kanyang isipan.
“Sa pinanggalingan ko po kasi, yung mga nasa edad niyo ay nakikitaan na ng senyas ng katandaan.” Paglilinaw niya rito.
“Ah, kaya pala.” Napapatango nitong turan.
“Opo. Ganun po, Sir.”
‘Kung 53 na itong si Sir George, ano nalang kaya yung edad nung mga lalaki kanina?’ Hindi niya mapigilang tanong sa sarili.
Agad rin naman niyang iwinaksi ang tanong na iyon dahil tumatayo ang balahibo niya sa kung ano man ang sagot roon.
MULING namayani ang katahimikan sa kwarto habang tinatapos nila ang kanilang pagkain.
Nang naubos na niya ang pagkaing nasa kanyang harapan ay inilagay na ni Lukas ang kutsara at tinidor sa ibabaw ng kanyang plato.
‘Mabuti nalang at spoon and fork rin ang pangkain rito.’ Nakakahingang maluwag niyang ani sa kanyang isipan.
Nang tignan ni Lukas ang kanyang kaharap ay nakita niya itong tahimik lang na tinitignan siya. Ilang sandali ang lumipas ay muli itong nagsalita.
“Iwan mo lang iyan jan at sundan mo ako sa susunod nating pupuntahan.” Wika nito saka ito tumayo mula sa kinauupuan.
Agad rin namang tumayo si Lukas at sumunod rito.
Ilang sandali ay nakaharap nila ang isang kwartong nakasarado. Hinintay na muna siya ni George na makatayo sa tabi nito saka nito binuksan ang pinto.
Pinauna siya nitong pumasok kaya umuna siya rito.
‘Wow.’ Namamanghang turan ni Lukas sa kanyang isipan nang masulyapan niya ang buong kwarto.
Napakainit sa pakiramdam makapasok sa silid na iyon dahil sa apoy na nagliliiyab sa pugon na nasa gitna nito. Meron ring mga sopa at floormat na kapwa yari sa makapal na balat ng hayop.
“Maupo ka at ilang sandali lang ay darating na si Haring Grey.” Wika ni George mula sa kanyang likuran.
Mabilis na napalingon si Lukas sa dako nito nang marinig niya ang sinabi nito.
‘Haring Grey!? Wait! Wait! Teka lang… Hari? As in King?’ Hindi niya makapaniwalang sambit sa kanyang isipan.
“May problema ba?” Mausisang tanong ni George sa kanya.
“Sorry, medyo nagulat lang ako sa sinabi mo.” Paghingi niya ng paumanhin rito.
Nang makaupo na si Lukas sa sopa ay nakita niyang inukupa ni George ang katapat niyang upuan.
“Mawalang galang na, may ibang salita kang ginagamit mula pa kanina na hindi ko maintindihan. Anong lengguwahe iyon?” Mausisang tanong nito sa kanya.
Hindi agad nakasagot si Lukas sa usisa nito dahil pati siya ay naguguluhan sa ibig sabihin nito.
“May sinasabi kang ibang salita na hindi ko maintindihan. Halimbawa nun ay yung sinabi mong salita bago ka nagsabing medyo nagulat ka lang sa sinabi ko.” Paglilinaw pa nito.
Agad na natauhan si Lukas sa kung ano ang gustong ipahiwatig ni George sa kanya matapos marinig ang sinabi nito.
“Ahh! English?”
“English?” Tanong nito pabalik.
“Teka, maghahalimbawa ako… You don’t understand what I am talking right now, don’t you?” Tanong niya rito sa wikang Engles.
Gaya ng kanyang inaasahan ay naikiling lamang ni George ang ulo nito at naghihintay sa susunod niyang sasabihin.
“Sabi ko, hindi mo ba naiintindihan yung sinasabi ko?” Pagsasalin niya sa wikang Tagalog.
“Oo, hindi ko naintindihan yung sinabi mo kanina. Yun ba ang lengguwaheng English?” Mausisa nitong tanong.
“Opo. Lengguwaheng English na laganap sa pinanggalingan ko.” Sagot niya rito.
Nakita ni Lukas na napaisip si George saglit matapos niyang magsalita.
“Bakit parang pamilyar yung lengguwahe?” Tanong nito sa sarili. Kahit na mahina lamang iyon ay narinig parin ni Lukas dahil tahimik lang ang kwarto.
Magsasalita pa sana siya nang biglang bumukas ang pinto at pumasok roon ang isang matangkad na lalaki na may suot na full body armor at tanging ulo lamang nito ang walang pananggalang.
Mabilis na tumayo si George mula sa pagkakaupo nito sa sopa at binati ang lalaking dumating.
“Binabati ko ang araw ng Kahariang Ura.” Pormal na wika nito habang nakalagay ang nakayukom nitong kamay sa ibabaw ng kaliwang dibdib nito habang nakayuko ang ulo.
‘Araw ng Kahariang Ura?’ Naguguluhang tanong ni Lukas sa kanyang isipan habang nag-aalangan siyang tumayo at hinarap ang lalaking kapasok lang sa silid.
“Magandang bati, Santo. Ako si Grey, hari ng Kahariang Ura.” Pagpapakilala nito sa sarili sa kanya.
‘O.M.G.’
End of KABANATA 2
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento